Kinukwestyon ng National Public Transport Coalition (NPTC) ang mabilis na pagtataas ng presyo ng petrolyo ng mga oil company sa kabila ng mayroon pa umanong naka-stock na produktong binili sa mas mababang presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng NPTC, sinabi niyang hindi malinaw kung paano nagiging batayan ang mga natitirang stock sa agarang pagtataas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay Lim, hindi rin malinaw sa publiko ang paliwanag ng Department of Energy o DOE hinggil sa buffer stocks na sinasabing bahagi ng sistema ng pagpepresyo ng mga produktong petrolyo.
Iginiit niyang dapat maging malinaw kung paano nakaaapekto sa presyo ng gasolina at krudo ang mga dating stock at bagong supply na binibili ng mga oil company.
Kaugnay nito, binanggit ni Lim ang obserbasyon na mas mabilis umanong nagbabago ang presyo kapag may oil price hike, habang mas mabagal naman ang pagbaba nito kapag may rollback.
Dahil dito, nanawagan siya sa DOE na palakasin ang monitoring sa mga oil company at gasoline station at tiyaking may konkretong aksyon laban sa mga mapatutunayang lumalabag sa mga panuntunan.
Giit ni Lim, hindi sapat ang paulit-ulit na pagpapalabas ng show-cause order kung wala namang kasunod na malinaw na penalty, pagsasara o iba pang kaukulang sanction.
Aniya, dapat ding maging transparent ang DOE sa resulta ng mga isinasagawang enforcement, kabilang kung may napagmulta, ipinasara o isinailalim sa kaukulang kaso, upang makita ng publiko na may aktuwal na aksyon laban sa mga lumalabag.










