CAUAYAN CITY – Inaresto ng mga kasapi ng Kasibu Police Station ang isang estudyante sa Brgy. Wangal, bayan ng Kasibu, Nueva Vizcaya matapos ilabas ng korte ang kanyang warrant of arrest.
Ang akusado ay labing walong taong gulang at nakatira sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Ernie Cruz, hepe ng Kasibu Police Station sinabi niyang inaresto ang binata habang nasa paaralan at naging mapayapa naman ang operasyon.
Ang akusado ang itinuturong gumahasa sa asawa ng kanyang kapatid noong Oktubre 2022.
Sinamantala umano nito ang kalasingan ng kanyang hipag at pinasok niya ito sa kanyang kuwarto at isinagawa ang panghahalay.
Agad namang nakapagsumbong sa pulisya ang biktima at inaresto ang akusado kahapon at walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Patuloy ang paalala ng pulisya sa mga biktima ng pang-aabuso na huwag matakot magsumbong dahil pangangalagaan nila ang kanilang mga pagkakilanlan.