CAUAYAN CITY – Nagdulot ng pangamba sa mga mag-aaral ang nangyaring pagpatay ng isang nursing student sa Lunsod ng Santiago.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Bb. Shiela Buluran, isang mag-aaral dito sa Lunsod ng Cauayan na matapos ang nangyaring pagpaslang sa isang nursing student sa Santiago City na sumakay sa isang tricycle ay kaagad siyang pinagsabihan ng kanyang mga magulang na palaging mag-ingat.
Sinabihan siyang huwag sumakay sa mga tricycle na walang franchise at maging mapag-obserba.
Maging siya ay kinakabahan kapag sumasakay ng tricycle lalo na sa gabi.
Maari din anyang hindi na siya payagang mag-aral sa ibang lugar dahil sa takot ng kanilang mga magulang.
Sa ngayon anya ay ibayung pag-iingat na rin ang kanilang ginagawa.