CAUAYAN CITY – Hindi inasahan ng Number 2 sa Respiratory Therapist Licensure Examination na siya ay makakasama sa mga topnotchers nationwide.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jhunry Gauiran, Number 2 sa Respiratory Therapist Licensure Examination at mula sa San Juan, Echague, Isabela na hindi niya agad nalaman na number 2 siya sa mga nanguna sa pagsusulit.
Aniya, hindi niya inasahan na magtatop siya at ang hiling lang niya ay makapasa silang lahat sa kanilang batch.
Katunayan aniya, ilang araw bago ang exam ay naghabol pa siya sa pagrereview kaya naman labis ang kanyang pasasalamat sa Panginoon.
Ayon sa kanya, halos limang buwan ang ginawa nilang paghahanda para sa examination.
Kwento nito, noong nasa elementarya siya ay minsan lang siya nakapasok sa mga honor rolls at ito ay noong nasa Grade 5 siya pero sa first grading lang at sa second grading ay nalaglag na siya.
Nagtapos siya sa elementarya na walang kahit anong award at sa senior high school na lang siya naging aktibo sa pag-aaral at nagtapos naman siya with high honors.
Sa kolehiyo ay naging dean’s lister siya sa unang taon niya sa pag-aaral at nagtapos siya bilang cumlaude sa Cagayan State University.
Aniya, istrikto ang kanyang mga magulang kaya naging tutok talaga siya sa pag-aaral.
Gayunman ay binalanse pa rin naman niya ang lahat at lumalabas pa rin naman siya kasama ang kanyang mga kaibigan.
Iniaalalay naman niya ang kanyang tagumpay, unang-una sa Panginoon, sa kanyang mga magulang at sa mga taong nagtiwala at sumuporta sa kanya.
Sa ngayon ay plano naman niyang mag-aral sa medicine.
Payo niya sa mga naghahanda para sa examination na ihanda na lahat emotionaly at physically.
Minsan lang aniya ang pagrereview kaya ibigay na lahat ng makakaya para pumasa at magtiwala lang sa Panginoon at sa mga inspirasyon sa buhay.
Pinasalamatan naman niya ang lahat ng kanyang mga naging guro mula elementarya hanggang sa kolehiyo dahil hindi niya naabot ang kanyang kinaroroonan ngayon kung hindi dahil sa kanila.
Tinig ni Jhunry Gauiran, Number 2 sa Respiratory Therapist Licensure Examination.