CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos na bumangga sa sinusundang truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa Nungnungan 2, Cauayan City.
Ang biktima ay si Jovane Salonga, merchandiser at residente ng Naganacan, Cauayan City habang ang tsuper ng forward truck ay si Angelito Cacal, 49-anyos at residente ng Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan patungo sa timog na direksyon.
Sinusundan ng motorsiko ang forward truck na may kargang 320 cavans ng palay nang makarating sa pinangyarihan ang aksidente ay bumangga ang biktima sa rear bumper ng forward truck.
Nawasak ang motorsiklo at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan si Salonga.
Dinala siya ng mga rumespondeng miyembro ng Rescue 922 sa isang pagamutan sa lunsod subalit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician habang ang forward truck ay dinala sa Cauayan City Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay Cacal, inakala niya na pumutok lamang ang kanyang gulong sa likod subalit ng tingnan niya ay nakita niyang bumangga na pala ang biktima sa likuran ng truck.
Humingi aniya ng danyos na P200,000 ang pamilya ng biktima subalit hindi sila nagkasundo.
Pinanindigan din niya na wala siyang kasalanan dahil kumpleto naman ang ilaw ng kanyang truck at sadyang mabilis lamang ang pagpapatakbo ng biktima.