CAUAYAN CITY – Bahagyang tumaas ang water elevation ng Magat Dam matapos ang naranasang pag-ulan sa Magat Water Shed.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, manager ng Engineering and Operations ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System, sinabi niya na sa kasalukuyan ang Elevation ng Magat Dam ay 174.59 meters above sea level.
Mas mataas anya ito kumpara sa elevation kahapon na 173.61 meters above sea level .
Umaasa ang NIA-MARIIS na magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng antas ng tubig ng dam para mapatubigan na ang mga sakahan na nasa tail end ng kanilang service area.
Kailangan pa ng NIA-MARIIS ang water elevation na 180 meters above se level para tuluyang mapatubigan ang mga sakahan partikular ang nasa 12,000 na ektarya na bahagi ng Baligatan o South High Cannal at Ozcaris High Canal sa katapusan ng Hunyo.
Tumaas naman ang napapatubigan na ngayon ng NIA MARIIS sa 71,000 ektarya mula sa nakaplanong 60,000 hectares lang na mapapatubigan ngayong cropping.
Mula sa nasabing bilang 11,000 ektarya na ang natamnan ng palay.
Samanatala, muling nagpaalala ang NIA-MARIIS sa mga magsasaka na hanggat maaari ay iwasan ang paglalagay ng harang sa mga irigasyon at control gates para magdivert ng patubig sa kanilang sakahan.