--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang 31-anyos na pulis na pinagsasaksak ng isang lalaki sa Barangay Ugac Norte, Tuguegarao City.

Ang biktima na kinilalang si Patrolman Alvin Cabrera ay residente ng parehong barangay at nakatalaga sa Cabatuan Police Station sa Lalawigan ng Isabela, ayon kay PCapt. Rose Marie Taguiam, ang information officer ng PNP Tuguegarao.

Napag-alaman na bibili sana ng gamot ng kaniyang anak ang biktima nang magkaroon ng isang minor road incident na kinasasangkutan ng suspek na residente ng Barangay Pengue Ruyu.

Ayon sa mga saksi na nakita ang suspek na bumaba sa kanyang tricycle at paulit-ulit na sinaksak ang pulis.

--Ads--

Makikita sa kuha ng CCTV ang pagbagsak ng pulis sa lupa matapos pagsasaksakin. Naunang ulat ng saksi na nabangga ng biktima ang tricycle ng suspek.

Bago ang insidente, pinara na ng suspek ang pulis, ngunit nagpatuloy ang biktima sa pagmamaneho.

Pagkatapos ay hinabol ng suspek ang pulis at nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang lalaki habang nagmamaneho.

Nang paparada na ang pulis ay binangga pa siya ng suspek bago pinagsasaksak.

Hindi naman gumanti ang biktima at sa halip ay humingi ng tulong sa malapit na convenience store.

Bagama’t isinugod sa ospital, binawian ng buhay ang pulis dahil sa mga natamong sugat.

Naaresto na ang suspek at nahaharap sa kasong murder.