CAUAYAN CITY – Posibleng buksan ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA MARIIS) ang lahat ng pitong radial gate ng Magat Dam.
Ito ay dahil sa dami na rin ng tubig na pumapasok ngayon sa nasabing dam.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na kung ikukumpara sa Typhoon Ulysses ay mas maraming tubig anya ang pumapasok ngayon sa Magat Dam dahil sa mga ulang ibinuhos ni Super Typhoon Pepito.
Kaninang madaling araw ay umabot pa umano sa 8,700 cubic meters per second (cms) ang water inflow sa Magat Dam, higit na mas mataas kung ikukumpara sa pumasok na tubig sa dam noong sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses noong 2020 na 7,100 cms na water inflow.
Mamayang ala una ng hapon ay limang spillway gate ng Magat dam ang bubuksan na may tig-dalawang metrong opening o kabuuang 10 meters opening.
Ito ay katumbas ng 1,961 cms ng tubig na papakawalan ng Dam.
Sa ngayon ay nasa 190.43 meters above sea level na ang water elevation ng Dam.
Ayon kay Engr Ablan, posibleng madagdagan ang mga bubuksang spillway gates dahil sa dami ng tubig na pumapasok sa dam.
Aniya, umabot din kasi 124 mm ang average rainfall ni Super Typhoon Pepito sa loob ng 24 oras.
Nilinaw naman ng NIA MARIIS na hindi sabay-sabay na bubuksan ang kanilang mga spillway gates dahil tig-iisang oras ang interval sa bawat isang metrong gate opening.