CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang siklista matapos mabangga ng isang pick-up sa pambansang lansangan na nasasakupan ng Barangay Dagupan, San Mateo, Isabela.
Ang tsuper ng nakabanggang pick-up ay kinilalang si Aldrin Galay, 54-anyos habang ang biktima ay si Samuel Quito 52-anyos at residente ng Sinamar Norte, San Mateo, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Mateo Municipal Police Station parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang national highway at kapwa patungo sa Town Proper ng San Mateo.
Sinusundan umano ng pick-up ang bisikleta at dahil sa walang ilaw ang bike ay nabulaga umano ang pick-up dahilan upang masalpok niya ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nurse Jessica Ampiloquo, sinabi niya na dead on arrival ang biktima nang maisugod sa pagamutan.
Batay aniya sa pakikipag-ugnayan nito sa mga rumespondeng rescuer, wala na rin umanong vital signs ang biktima nang datnan ng mga rescuer sa pinangyarihan ng insidente.