--Ads--

Nasawi ang isang 38-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng kanyang live-in partner sa isang boarding house sa San Mateo nitong gabi ng Agosto 3.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, bago ang insidente ay magkasamang nag-iinuman ang biktima, ang suspek at iba pa nilang kasamahan sa isang birthday celebration sa boarding house.

Ayon sa may-ari ng boarding house, sinabi nitong maayos pa ang samahan ng mga nag-iinuman at magkahiwalay pa ang grupo ng mga lalaki at babae habang nagkakasiyahan.

Matapos ang inuman at makaramdam umano ng kalasingan, nagtungo ang biktima sa kanilang silid upang magpahinga.

--Ads--

Makalipas ang ilang sandali, sinundan umano ito ng kanyang live-in partner at doon naganap ang pananaksak.

Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Claire Ann Mallillin, kaanak ng biktima, sinabi nitong matagal na umanong nagkakaroon ng alitan ang mag-live-in partner.

Ayon sa kanya, nadiskubre umano ng biktima na may ka-chat na ibang lalaki ang suspek na naging ugat ng kanilang madalas na pagtatalo. Iginiit din nito na hinintay umano ng suspek na makatulog ang biktima bago ito sinaksak.

Sa kabila ng tinamong sugat sa dibdib, nakalabas pa umano ng silid ang biktima at nakalakad patungo sa isang eskinita malapit sa boarding house kung saan ito humingi ng tulong sa kanilang mga kasamahan bago tuluyang bumagsak.

Agad naman itong isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Ayon pa sa kaanak ng biktima,sumama pa umano ang suspek sa pagdadala sa biktima sa ospital at sinabing hindi nito alam ang nangyari.

Sa panig naman ng suspek, iginiit nitong nauna umanong magbanta ang biktima kaya inunahan lamang umano niya ito bilang self-defense.

Gayunman, isang saksak sa dibdib ang tinamo ng biktima na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Wala pa umanong isang taon na nagsasama bilang mag-live-in ang dalawa.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa suspek at iginiit na wala silang balak makipag-areglo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.