CAUAYAN CITY- Nasa 32 na katao kabilang ang mga estudyante na kalahok ng drum and lyre competition sa Bodong Festival ang nasugatan matapos na mawalan ng preno at tumaob ang kanilang jeep sa Balbalan, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Tyron John B. Balanay ang Chief of Police ng Balbalan Municipal Police Station, sinabi niya na sakay ng jeep ang mga miyembro ng drum and lyre na kalahok sa Bodong Festival.
Aniya, sa katunayan ay convoy ito at ang naaksidente ay pangalawang sasakyan kung nasaan ang mga estudyante.
Batay s akanilang imbestigasyon ng makarating sa Sitio Saleng partikular sa pababang bahagi ng daan ay napansin ng driver na nawalan na ng preno ang sasakyan kaya isinadsad niya ito sa kanang bahagi ng pakurbadang kalsada sanhi para tumaob ang jeep.
Dahil sa insidente ay nasugatan ang 32 na sakay ng jeep, 26 ay mga estudyante na lalahok sana sa drum and lyre competition kasama ang isang guro at dalawang trainor.
Dinala sa magkakahiwalay na pagamutan ang mga nasugatang estudyante at guro na ngayon ay nasa stable na kondisyon at patuloy na nagpapagaling.
Sa ngayon ay may ilang inisyal na pahayag na ang driver ng jeep gayunman handa ang PNP na kunin pa ang ilang salaysay ng mga pasahero kaugnay sa insidente para sa gagawing disposisyon.
Hindi naman aniya madalas na may nagaganap na aksidente sa naturang lugar at ito ang unang pagkakataon na naitala nila ang mechanical problem na nag resulta sa aksidente.
Paalala ng Pulisya sa mga motorista na ugaliing tignan o suriin ang kanilang sasakyan bago bumiyahe para maiwasan ang ganitong uri ng aksidente.
Kasalukuyan ngayon ang selebrasyon ng 30th Founding Anniversary at 6th Bodong Festival, kung saan ay may mga nakalinya na mga aktibidad na kalahok ang iba’t ibang bayan ng lalawigan.