Nasugatan ang isang tsuper matapos aksidenteng mahulog sa ginagawang drainage canal ang tatlong sasakyan sa naganap na aksidente bandang 4:50 ng umaga nitong Abril 27, 2026 sa national highway ng Barangay San Pedro–San Pablo, Aurora, Isabela.
Sangkot sa aksidente ang isang NMAX na motorsiklo na minamaneho ng 18-anyos na si Tyler Agtarap na walang naipakitang lisensya; Isuzu Crosswind na minamaneho ni MSGT. Joni Abalos, 44 anyos, miyembro ng Philippine Army; at TMX 155 na may kolong-kolong na minamaneho ni Elizer Amaro, 45 anyos na isang vendor.
Base sa imbestigasyon ng Aurora Municipal Police Station, magkakasunod na binabaybay ng mga sasakyan ang parehong direksyon patungong timog nang hindi napansin ang mga warning sign sa bahagi ng kalsadang may isinasagawang road construction. Nang magpreno ang mga driver, nadulas ang mga sasakyan at sunod-sunod na nahulog sa hukay na puno ng tubig.
Nagkaroon ng pinsala sa mga sasakyan na patuloy pang inaalam ang kabuuang halaga.
Samantala, tinulungan naman ng Aurora Rescue 888 ang sugatang driver ng TMX 155 bago dinala ang lahat ng sangkot sa Aurora Municipal Police Station para sa imbestigasyon.
Sinabi ng pulisya na agad nilang siniguro ang lugar ng insidente upang maiwasan ang karagdagang aksidente at isinailalim sa tamang dokumentasyon ang mga sasakyan at driver para sa kaukulang proseso.











