Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at 10 iba pa ang nasugatan matapos tumaob ang isang bus na may Polish registration sa isang motorway sa Hungary.
Ayon sa Hungarian police, nangyari ang aksidente madaling-araw nitong Linggo malapit sa Mezokeresztes, habang patungo sa lungsod ng Nyiregyhaza ang bus.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumihis umano ang bus sa tuwid na bahagi ng kalsada, at bumagsak sa isang kanal at tuluyang tumaob.
May 57 pasahero at dalawang driver na sakay ang bus. Sa mga larawang kuha sa lugar, makikitang malubhang napinsala ang bus, habang nagkalat sa kanal ang mga bagahe at gamit ng mga pasahero.
Sinabi ng pulisya na posibleng nakatulog ang driver habang nagmamaneho.
Dinala na sa mga ospital ang mga na sugatan, habang isinailalim naman sa kustodiya ng mga awtoridad ang driver ng bus.
Nagpahayag ng pakikiramay si Polish President Karol Nawrocki sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay.
Samantala, sinabi ng Polish Foreign Ministry na nakikipag-ugnayan na ang kanilang consular officials sa mga awtoridad ng Hungary upang matukoy ang buong detalye ng aksidente.











