Patuloy na sinisiyasat ng mga otoridad ang tangkang pangingidnap sa isang batang babae sa Bayan ng Jones, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Mayor Nhel Montano, sinabi niya na eksaktong nasa forest region sila nang mangyari ang insidente kung saan nakausap niya mismo ang bata na isang grade 5 student at dito niya naidetalye ang nangyari.
Nanginginig at umiiyak na sinabi ng bata, na habang naglalakad siya papasok sa Minuri Elementary School ay may humintong putting sasakyan sa kanyang tapat at akma umano siyang hihilahin papasok sa van ngunit siya ay nakahulagpos at nakatakbo palayo.
Aniya dalawang lalaki umano ang tangkang humila sa kanyang damit para ipasok sana sa loob ng sasakyan.
Bilang aksyon ay agad naman silang nakipag-ugnayan sa mga barangay officials sa karatig na barangay at sa Jones Police Station para sa paglalatag ng checkpoint para maharang kung mayroon ngang sasakyan na nagtangkang mangidnap sa bata.
Aniya ang Brgy. Minuri ay ikaapat na panghuling barangay ng Jones Isabela kung saan ang susunod na dito ay ang Sto. Domingo, Dumawing at Bannawag na pinakadulo o deadend na barangay.
Karaniwan sa mga estudyante sa nasabing mga barangay ay naglalakad papasok sa paaralan.
Ayon sa bata, ang sasakyan ay patungo sa direksyon pa-Sto. Domingo kaya inabisuhan niya ang mga barangay officials ng nasabing mga barangay na halughugin ang kanilang lugar para makita kung may nakatagong sasakyan.
Aniya dead end na sa bahagi ng Bannawag dahil may malaking ilog na naghihiwalay nito sa bayan ng San Agustin.
24 oras na nagsagawa ng operasyon ang PNP para sa inspeksyon ng mga dayong sasakyan na lalabas sa Forest Region upang matukoy kung totoo ang impormasyon.
Pinayuhan naman ni Mayor Montano ang bata na huwag matakot sa pagpasok sa paaralan at tiniyak na kanila nang inaaksyunan ang sinasabing nangyari sa kanya.
Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na bagamat hindi pa tiyak ang katotohanan ng pangyayari ay huwag hayaan ang mga anak na papasok mag-isa sa paaralan.
Aniya mas magandang may grupo o kasama ang mga ito sa paglalakad papasok sa kanilang paaralan.