Nakatakdang paimbestigahan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan ang pagkakaroon ng right of way na kahilingan ng mga residente sa Purok 4 at 6 ng Barangay San Fermin Cauayan City.
Ayon sa naganap na regular session ng mga lokal na mambabatas ng Cauayan, napag-usapan ang kawalan ng sapat na daanan ng mga residente sa lugar.
Bagaman mayroon naman talagang itinalagang barangay road sa nasabing purok subalit hinarangan umano ito ng nagpapakilalang nakabili ng lupa.
Sa pahayag ni SP member Bagnos Maximo Jr., taong 2022 pa nang idulog ang problema sa barangay subalit hindi naaksyonan agad.
Ngayong taong 2025 ay muli nanaman aniyang umapila ang mga apektadong residente dahil walang madaanan ang mga sasakyan.
Napag-alaman na sa ngayon ay mayroon nang mahigit 100 na pamilya ang naninirahan sa lugar ngunit kinakailangan pa ng mga residente na maglakad ng tinatayang mahigit 100 na metro mula sa kanilang bahay hanggang sa barangay road dahil hindi naman makapasok ang kanilang mga sasakyan sa kanilang kabahayan.
Sa ngayon ay paiimbestigahan aniya ng konseho kung sino ba ang mayroong karapatan sa nasabing lupa at aalamin din kung ito ba ay talagang itinalagang barangay road o mananatili na property ng isang nagpapakilalang nakabili ng lupa.
Ayon naman kay Purok Chairman Normalita Lee, sinabi niya na hangad lamang nilang masunod ang naitalagang right of way sa lugar upang magkaroon na sila ng maayos na daanan.
Mahalaga kasi aniya para sakanila na magkaroon ng daanan sa lugar dahil kung sakaling magkaroon ng sunog ay mayroong madadaanan ang mga firetruck na reresponde.
Nagkaroon na rin aniya ng pag-uusap sa barangay ang mga apektadong residente at ang nagmamay-ari ng umano’y lupa subalit hindi ito nasolusyonan.
Pina demolished na rin aniya ang tatlong bahay dahil nag give way ang mga ito para magkaroon lamang ng maituturing na kalsada subalit ang problema nila ngayon ay ang isang indibidwal na hindi sumang-ayon na gawing kalsada ang kaniyang lupa.
Nakaugnayan din ng Bombo news team ang nagmamay-ari ng nasabing lupa subalit hindi muna ito nagpa tape interview.
Aniya, handa siyang humarap sa committee hearing ng konseho sa Lunes upang maliwanagan ang lahat sa isyu ng lupa dahil ito ay kanya lang din namang nabili.











