--Ads--

SENSITIBONG PAKSA – Isang Punong Barangay sa Alicia Isabela ang kinitil ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili.

Kinilala ang Punong Barangay na si Presco Baniqued, limamput dalawang taong gulang na residente ng San Pedro Alicia Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Alicia Police Station, unang nakarinig ng putok ng baril ang pamangkin ng biktima at nang magtungo ito sa terrace ng bahay ay nakita ang tiyuhin na nakahandusay sa sahig at duguan.

Dito na nila nalaman na nagbaril ito sa sarili kung saan nagtamo siya ng  tama ng bala ng baril sa kanang bahagi ng kanyang ulo.

--Ads--

Wala namang nakitang foul play ang pulisya sa kanilang pag-iimbestiga at ayon sa pamilya ng biktima, nakakaranas ito ng problema na posibleng nag-udyok para tapusin ang kanyang buhay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia Isabela, sinabi niya na nagulat din siya sa nangyari dahil tanghali ay nagkita pa sila ng punong barangay ngunit kinagabihan ay nagpatiwakal ito.

Tiniyak naman ni Mayor Alejandro na may ibibigay na tulong ang lokal na pamahalaan sa naiwang pamilya ni Punong Barangay Presco Baniqued.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko lalo na ang mga may mga problema na maging bukas sa kapamilya at huwag solohin ang problema dahil maaring magdulot ito ng hindi maganda sa pag-iisip.