IBON Foundation, binigyan ng bagsak na grado si PBBM hindi pa man nagsisimula ang ika-4 na SONA nito
Binigyan ng bagsak na grado ng Economic Think Tank na IBON Foundation si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hindi pa man nagsisimula ang ika-4 na State of the Nation Address ng Pangulo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Sonny Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na maraming isyu na kinakaharap ang Pilipinas at sa kabila ng malaking pondo ng gobyerno kada taon ay hindi naman nasosolusyunan ang mga pangunahing problema sa bansa.
Aniya, patuloy ang pagdami ng mga Pilipinong nagugutom at marami pa rin ang umaasa sa kakarampot na sahod sa kabila ng pagtaas ng mga mga presyo ng bilihin.
Bagaman maraming mga programa ang pamahalaan pagdating sa iba’t ibang sektor ay hindi pa rin aniya sapat na bigyan ng mataas na grado ang kaniyang performance sa nakalipas na taon dahil hindi naman ito nagbunga ng magandang resulta.
Umaasa naman ang IBON Foundation na sa ika-apat na SONA ni Marcos ay maging tapat ito sa tunay na kalagayan ng bansa sa iba’t ibang aspeto.











