CAUAYAN CITY- Sugatan ang dalawang katao matapos na tumaob ang isang kolong-kolong matapos mawalan ng preno sa Sitio, Villa Ancheta, Minanga San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PSMS Rogelio Ignacio ang tagapagsiyasat ng San Mariano Police Station sinabi niya na, ang tumaob na kolong-kolong ay minamaneho ni Jimmy Cleofe, 67-anyos, negosyante na residente ng Barangay Cabisera 10, City of Ilagan.
Aniya, binabagtas ng kolong-kolong ang daan sa Sitio Bigao at papunta sana ng Poblacion ng mawalan ito ng preno at bumulusok sa palusong na bahagi ng kalsada at tumaob labing limang metro ang layo.
Dahil sa pagtaob ng kolong-kolong nagtamo ng malubhang sugat sa ulo si Ginoong Jimmy habang nagtamo naman ng sugat sa tuhod si Ryan Meriño, 16-anyos residente ng Villa Imelda City of Ilagan.
Wala umanong sasakyan na sumusunod sa mga biktima subalit may kasalubong ito.
Ayon sa driver ng kasalubong nilang chariot malayo palang ay nakita na niya na tila bumubulusok pababa ang kolong-kolong kaya dali dali siyang bumaba ng sasakyan.
Napagalaman na nagtungo sa Barangay Minanga ang mga biktima para sana bumili ng Kalabaw.
Sa ngayon ay nasa pagamutan pa ang tsuper na si Ginoong Jimmy dahil sa natamong sugat sa ulo at nakatakdang ilipat sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC para sa karagdagang atensyong medikal.
Ayon kay Dr. Janet Leonardo ang Duty Doctor ng San Mariano Medicare and Provincial Hospital kailan isailalim sa CTI Scan si Ginoong Jimmy para makita kung siya ba ay nagkaroon ng traumatic brain injury at chest trauma dahil sa insidente.











