Ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng audit sa flood control projects sa Bulacan, bilang bahagi ng hakbang ng pambansang gobyerno na papanagutin ang mga responsable sa mga pumalpak na proyekto kontra baha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ang utos ay nagmula kay COA Chairperson Gamaliel A. Cordoba, bilang pagsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na imbestigahan ang umano’y iregularidad sa flood control program ng pamahalaan.
Sa memorandum na inilabas, binigyang-diin ni Cordoba na dahil sa seryosong isyung binanggit ng Pangulo hinggil sa pagpapatupad ng mga proyektong ito, partikular sa Bulacan, ang fraud audit ay isang agarang pangangailangan.
Sakop ng audit ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan na madalas bahain, kung saan umabot sa P44 bilyon ang inilaan ng gobyerno, ang pinakamalaking tipak sa buong Region 3 o 45% ng kabuuang pondo.
Sa kabuuan, nakatanggap ang Central Luzon ng P98 bilyon mula Hulyo 1, 2022 hanggang Mayo 30, 2025, katumbas ng 18% ng kabuuang P548 bilyon pondo para sa flood control projects sa buong bansa.
Inutusan din ni Cordoba ang lahat ng supervising auditor at audit team leader sa mga DPWH District Engineering Office sa Region 3 na agad isumite ang lahat ng kaugnay na dokumento para sa pagsasagawa ng fraud audit.
Sa pagbisita ng Pangulo sa Calumpit, Bulacan nakita niya mismo ang isang proyekto sa ilog na idineklarang tapos na ngunit hindi pa pala kumpleto.











