Inaprubahan ngayong araw ng House of Representatives, sa pangunguna ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 4058 o ang panukalang batas para sa General Appropriations Bill (GAB) para sa Fiscal Year 2026, sa pamamagitan ng substitution.
Sa kanyang sponsorship speech, tiniyak ni Appropriations Committee Chairperson Rep. Mikaela Angela Suansing na wala nang magiging susog o pagbabago sa panukala matapos itong maaprubahan sa ikalawang pagbasa.
Ayon sa kanya, isinagawa nang bukas sa publiko ang mga deliberasyon ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc) na siyang tumalakay sa lahat ng isinumiteng amyenda, at ito ay na-livestream sa opisyal na Facebook at YouTube pages ng Kamara.
Binigyang-diin ni Speaker Dy ang pangako ng Kamara na tiyaking maipapasa ang pambansang badyet para sa 2026 nang maaga, bukas, malinis, at tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Target ng Kamara na maaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang 2026 national budget sa darating na Lunes, Oktubre 13, 2025.











