--Ads--

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill No. 10858 o ang panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, na target maipasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa susunod na linggo.

Pinangunahan ni House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Representative Mikaela Angela Suansing ang pagtalakay at pag-apruba sa panukala.

Kasama ring inaprubahan ang institutional amendments na nagkakahalaga ng ₱116 bilyon na inirekomenda ng Budget Amendments Review Subcommittee o BARSc.

Kabilang sa mga pinaglaanan ng dagdag na pondo ang MAIFIP, AICs, TUPAD, at confidential funds ng ilang ahensya gaya ng National Bureau of Investigation o NBI at Office of the Ombudsman.

--Ads--

Naglaan din ng pondo ang BARSc para sa mga programang may zero budget sa 2027 National Expenditure Program tulad ng School Safety and Security Program at Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program.

Pinondohan din ang Fuel Subsidy Program, Service Contracting Program, NCR Busway Program ng Department of Transportation, gayundin ang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program ng Department of Agriculture.

Ang 2027 General Appropriations Bill ang ikalawang pambansang badyet na sinuri sa ilalim ng mas pinaigting na transparency measures, kung saan binigyan ng mas malaking partisipasyon ang mga civil society organizations sa proseso ng pagbusisi sa panukalang badyet.