--Ads--

Ipinagtanggol ng Malacañang ang patakaran na pagpapasuko ng mga cellphone at iba pang gadget ng mga mamamahayag sa ginanap na paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2026 national budget.

Ipinaliwanag ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi lamang mga miyembro ng media ang inatasang magsuko ng kanilang mga cellphone, kundi lahat ng dumalo sa seremonya ng paglagda ng P6.793-trilyong General Appropriations Act sa Malacañang.

Ayon kay Castro, layunin ng hakbang na ito na matiyak na nakatuon ang lahat ng bisita sa mismong aktibidad ng paglagda ng Pangulo, dahilan kung bakit naging mas maayos ang daloy ng programa.

Tinugunan din niya ang mga pangamba hinggil sa kakulangan ng transparency at iginiit na walang dapat ipag-alala dahil ang buong seremonya ay ipinalabas nang live at napanood ng publiko sa parehong oras.

--Ads--

Ang pahayag ng Palasyo ay tugon sa kritisismo ng National Union of Journalists of the Philippines kaugnay ng pagpapatupad ng phone at gadget surrender.

Binigyang-diin ng NUJP na mahalagang kasangkapan ng mga mamamahayag ang kanilang mga cellphone, lalo na sa mga makabuluhang coverage gaya ng paglagda sa pambansang badyet.