--Ads--

Plano ng House Infrastructure Committee (InfraComm), na dati nang nagsiyasat sa alegasyong katiwalian sa flood control projects bago ito inilipat sa Independent Commission on Infrastructure (ICI), na humingi ng kopya ng mga dokumento ng yumaong si dating Undersecretary Maria Catalina Cabral mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa mga opisyal, malamang ay may sariling kopya pa ang DPWH ng mga file ni Cabral matapos itong ipasa sa Office of the Ombudsman noong Disyembre 23, 2025 kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Nilinaw ng InfraComm na ang paghingi ng kopya ng Cabral files ay hindi upang kuwestyunin ang mga kopyang inilabas sa publiko, kundi upang maisama sa opisyal na talaan ng komite, lalo na’t pansamantala pa ring suspendido ang pagdinig ng House Infrastructure Committee. Mahalaga rin ito sakaling maibalik ng tri-komite ang imbestigasyon sa kaso kapag natapos na ang ICI.

Ipinunto rin na kinakailangang makuha ang “authentic” na kopya ng mga file upang hindi magamit laban sa mga miyembro ng Kamara. Kasalukuyang hinihintay ng House kung magsasampa ng ethics complaint ang DPWH laban kay Batangas Rep. Leandro Leviste kaugnay ng alegasyong ilegal na pagkuha ng mga dokumento.

--Ads--

Ayon sa report, ilang tauhan ng DPWH ang nagsabi na nagkaroon ng paper cuts si Cabral nang sapilitang kunin ni Leviste ang ilang dokumento mula sa kanyang kamay at kopyahin ang mga file mula sa opisina ng DPWH.