Pinagsabihan ng Malacañang si Senadora Imee Marcos na huwag gawing biro ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang naging reaksiyon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay ng isang video ng senadora kung saan binatikos nito ang ilang opisyal ng Palasyo kaugnay ng pagkakasakit ng Pangulo, na nakaranas ng diverticulitis.
Ayon kay Castro, hindi na kailangang magkunwari pa sa harap ng publiko dahil batid naman umano ng sambayanan na hindi maganda ang relasyon ng Pangulo at ni Senadora Marcos.
Dagdag pa niya, hindi rin maganda sa paningin ng publiko ang pagbibigay ng payo sa kalusugan ng Pangulo na nagmumukhang pagpapatawa o pagiging komedyante.
Binigyang-diin ni Castro na ang isang taong may pinagdaraanan na karamdaman ay nangangailangan ng taos-pusong malasakit at tunay na pagkalinga, kaya nararapat umanong magpakatotoo.











