--Ads--

Hinimok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga Pilipino na makibahagi sa pagtatanggol sa soberanya at pambansang interes ng bansa at manatiling matatag sa harap ng anumang uri ng panggigipit.

Sa kanyang talumpati sa paggunita ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, binigyang-pugay ni Marcos ang mga makabagong bayani, kabilang ang mga mangingisda, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.

Ayon sa Pangulo, dapat ipaglaban ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa mapayapa at naaayon sa batas na paraan.

Binigyang-diin niya na responsibilidad ng buong bansa ang pagtatanggol sa teritoryo, kaya mahalagang maunawaan ng mga Pilipino ang kasaysayan, malaman ang kanilang mga karapatan at makibahagi sa pangangalaga ng pambansang interes.

--Ads--

Nabanggit din ni Marcos ang 2016 Arbitral Award na kumilala sa maritime entitlements ng Pilipinas sa ilalim ng UNCLOS, na aniya ay dapat higit na maunawaan ng kabataan.

Nanawagan din siya laban sa disinformation at hinikayat ang responsableng talakayan, habang binigyang-diin ang patuloy na suporta sa mga mangingisdang nagtatrabaho sa karagatan.

Iginiit din ng Pangulo ang kahalagahan ng transparency at accountability sa mga institusyon ng pamahalaan upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maprotektahan ang soberanya ng bansa.