Itinalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Robert Joseph Montes de Claro bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT), kapalit ni Henry Aguda na nagbitiw sa puwesto noong nakaraang linggo.
Ayon kay Marcos, nilagdaan na niya ang ad interim appointment ni De Claro, na may malawak na karanasan sa digital economy at information technology.
Bago ang bagong pagkakatalaga, nagsilbi si De Claro bilang pinuno ng SSS at naging bahagi rin ng Social Security Commission noong 2023. Naging pangulo at chief executive officer din siya ng People4u, Inc. at pangulo at general manager ng JMango Philippines, Inc.
Samantala, sinabi ni De Claro na sasailalim sa masusing pagsusuri ang mga proyekto, badyet at procurement ng DICT upang makabuo ng malinaw na plano para sa ahensya sa loob ng susunod na tatlong buwan.
Tinanong din ang bagong kalihim hinggil sa kontrobersiya sa pagbabawal sa online platform na Discord, na iniugnay ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga insidente ng karahasan sa mga paaralan at umano’y online grooming at nihilistic violent extremism.
Ayon kay De Claro, pinag-aaralan niya ang isyu ng nihilistic violent extremism na tinawag niyang malinaw at agarang banta. Binigyang-diin din niya ang pangangailangang makipagtulungan sa mga organisasyong makatutulong sa pagprotekta sa mga kabataan.
Hindi naman isiniwalat ang dahilan ng pagbibitiw ni Aguda sa puwesto.










