--Ads--

Nagkaroon ng bahagyang pagbaba sa presyo ng ilang gulay sa pamilihan sa Lungsod ng Cauayan kung ikukumpara noong mga nakaraang linggo.

Gayunpaman, nananatiling pababago-bago ang presyo ng mga bilihin na nagdudulot pa rin hamon sa mga tindera at mamimili.   

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Neneng Evangelista, tindera sa palengke, sinabi nitong hindi rin umano naging madali ang kanilang pagbebenta dahil sa  biglaang pagtaas at pagbaba ng presyo ng mga gulay.

Batay nga sa monitoring ng presyo, ang ilang gulay na umaabot noon sa 140 pesos hanggang 150 pesos kada kilo ay bumababa na ngayon sa humigit-kumulang 100 pesos kada kilo.

Ang talong, ampalaya at okra ay nasa 120 pesos kada kilo, habang ang repolyo naman ay nasa 40 kada kilo. Ang kamatis naman ay naglalaro sa 60 hanggang 80 pesos kada kilo. Ang mga pang- rekado naman tulad ng bawang at sibuyas ay nasa 160 pesos kada kilo, habang ang luya ay nasa 120 pesos kada kilo.

Bagamat mahal pa rin ang presyo ng mga ilang gulay, ikinatuwa pa rin umano ng mga mamimili sa pagbaba ng mga ito ayon sa ilang tindera sa Palengke.

Samantala, nananatiling mataas ang presyo ng isda at karne na nasa 240 pesos kada kilo. Ang bangus 100 pesos kada kilo naman, ang salmon head ay 300 pesos, ang galungong na bilog 170 pesos, 150 pesos ang tilapia, 160 pesos naman ng hipon, habang ang pusit naman ay nasa 200 pesos o 240 pesos.

Ang karne naman ng baboy ay nasa 300 pesos kada kilo pa rin at ang karne naman ng baka ay nasa 450 pesos kada kilo.

Bukod nga sa usapin sa presyo ay nananawagan din ang mga tindera sa pamunuan ng pribadong palengke na agad ayusin ang mga CCTV camera. Ayon sa mga tindera, matagal na umanong hindi gumagana ang mga cctv kaya kahit marami ang insidente ng nakawan ay wala silang magawa.

Ani nila, malaking tulong sana kung maaayos ang cctv para sa pag-iwas at pagresolba ng mga insidente sa palengke. Umaasa ang mgaito na agad maaksyunan upang masiguro ang kanilang kaligtasan at seguridad sa kanilang hanap buhay.

--Ads--