--Ads--

Ipinaliwanag ng isang eksperto sa Constitutional Law kung bakit maagang naisampa ng Makabayan bloc ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte ngayong araw, Pebrero 2, 2026.

Matatandaang ayon sa one-year bar rule, maaari lamang makapagsampa ng panibagong impeachment complaint laban sa parehong opisyal matapos ang isang taon mula sa huling naisampang reklamo, na sa kasong ito ay nakatakdang matapos sa Pebrero 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, isang Constitutional Law expert, sinabi niya na ang maagang pagsusumite ng reklamo ay bunsod ng pabagu-bagong interpretasyon ng Korte Suprema tungkol sa totoong kahulugan ng 10 session days at sa proseso ng plenary session sa kaso ng bise presidente.

Ipinaliwanag niya na ang one-year bar rule ay naglilimita kung gaano kadalas puwedeng magsampa ng impeachment complaint laban sa parehong opisyal, habang ang 10 session days ay ang tinukoy na bilang ng sesyon sa House of Representatives na ginagamit sa pagbibilang ng panahon para sa impeachment proceedings. Ang plenary session naman ay ang aktwal na pagtitipon ng buong Kongreso para talakayin at pagdesisyunan ang impeachment complaint.

--Ads--

Sa madaling sabi, nag-file ang Makabayan bloc nang maaga upang hindi maantala ang proseso, dahil sa hindi malinaw o pabagu-bagong interpretasyon ng Supreme Court tungkol sa eksaktong pagsisimula ng panibagong impeachment complaint at kung paano binibilang ang session days.

Ayon kay Cayosa, ang maagang pagsusumite ng complaint ay maaaring makaapekto sa timing at proseso ng kaso, dahil puwede itong magdulot ng debate sa Kongreso kung legal bang tanggapin ang reklamo bago matapos ang one-year bar rule.

Maaari ring humantong sa pagtukoy ng Kongreso kung paano dapat bilangin ang session days at kung alin ang tama sa mga interpretasyon ng Supreme Court, na posibleng makaapekto sa daloy at bilis ng impeachment proceedings.