--Ads--

Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pakikipag-usap sa mga agarang kapamilya ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang bilang bahagi ng pagsisikap na matunton ang kanyang mga ari-arian at establisyementong umano’y maaaring pinagtataguan niya.

Ayon kay NBI Director Lito Magno, patuloy ang aktibong koordinasyon ng ahensya sa pamilya ni Ang habang isinasagawa ang mga follow-up operation batay sa lahat ng mapagkakatiwalaang impormasyong kanilang natatanggap.

Ipinaliwanag ni Magno na kinakausap na ng bureau ang immediate family ni Ang at may mga hakbang na isinasagawa upang agarang maresolba ang kaso.

Tinalakay rin niya ang mga posibleng pangamba hinggil sa pagtatangkang impluwensyahan ang imbestigasyon at nilinaw na wala pang sinumang nakikipag-ugnayan sa NBI kaugnay nito.

--Ads--

Dagdag pa niya, lahat ng impormasyong maaaring maging valid ay masusing sinusuri at sinusundan ng kaukulang follow-up operations.

Nauna nang sinuyod ng mga operatiba ng NBI ang ilang ari-arian at farm ni Ang, pati na rin ang iba’t ibang lugar kabilang ang mga matataas na hotel na posibleng puntahan ng negosyante bilang bahagi ng patuloy na beripikasyon sa mga natatanggap na lead.