Itinanggi ng National Bureau of Investigation (NBI) kahapon na sinubukan ni Charlie “Atong” Ang, isang puganteng negosyante, na suhulan ang ahensya habang nagpapatuloy ang pagtugis sa kanya kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Acting NBI Director Angelito Magno, wala umanong lumapit sa kanilang tanggapan hinggil sa anumang tangkang suhulan ni Ang.
Dagdag pa ni Magno, pinaigting ng NBI ang manhunt operations laban kay Ang, na tinutukoy bilang umano’y utak sa pagkidnap at pagpatay sa mga sabungero. Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa mga awtoridad sa Cambodia at Thailand upang beripikahin ang posibleng sightings ng pugante.
Nauna nang sinabi ni Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan na sinubukan umanong hadlangan ni Ang ang imbestigasyon sa pamamagitan ng pag-aalok ng suhol na ipinadaan sa isang “malapit na kaibigan.”
Samantala, iginiit ni Interior Secretary Jonvic Remulla na may mga bodyguard mula sa NBI si Ang.
Ayon naman kay DOJ Prosecutor General Richard Fadullon, wala pang inilalabas na warrant of arrest ang San Pablo Regional Trial Court (RTC) laban kay Ang kaugnay ng kaso. Gayunman, nakapaglabas na ng arrest orders ang RTCs sa Lipa City, Batangas at Sta. Cruz, Laguna para sa 25 counts of kidnapping na kinakaharap ng negosyante.









