--Ads--

Mawawalan na ng bisa ang ipinanalong Artbitral Award ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) noong 2016 kapag isinuko ng bansa ang Kalayaan Island Group.

Ito ang binigyang-diin ng isang Security and Military Diplomacy Expert sa pahayag ni Senator Rodante Marcoleta na isuko na lamang ang Kalayaan Islands sa gitna ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at ng China.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Chester Cabalza, Security and Military Diplomacy Expert, sinabi niya na naipanalo na ito ng Pilipinas sa international court at hindi dapat tumigil ang mga Pilipino na ipaglaban ito.

Aniya, hindi solusyon ang pagsuko ng teritoryo upang matuldukan ang territorial dispute sa WPS.

--Ads--

Mawawalan aniya ng soberanya ang bansa kapag nangyari ito dahil ang pinag-aagawang isla ay malinaw na pagmamay-ari ng Pilipinas at mawawalan ng tahanan ang mga Pilipinong nakatira rito.

Maapektuhan din ang kabuhayan ng mga Pilipino pagdating sa blue ocean and maritime security lalo na at pangingisda ang kabuhayan ng marami sa mga nakatira rito.

Ayon kay Cabalza, nakakahiya sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas kung basta na lamang isusuko ang Kalayaan Islands lalo ngayon na sa mga tumulong upang mapalakas ang military assets ng Pilipinas at maipagtanggol ang teritoryo nito.