Lumabas sa dokumento ng U.S. Department of Justice (DOJ) na umano’y nag-hire ang yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein ng isang team sa Pilipinas upang burahin at pagtakpan ang mga negatibong impormasyon tungkol sa kanya sa internet.
Batay sa mga email exchange nina Epstein at Al Seckel—asawa ng kapatid ni Ghislaine Maxwell, pangunahing katuwang ni Epstein sa pangangalap ng mga menor de edad, plinano ng grupo ang paglikha ng mga website at links na nagpapakita kay Epstein bilang philanthropist, nagpondo ng science at sports projects, at pag-edit sa Wikipedia page upang tanggalin ang mga terminong tulad ng “Jeffrey Epstein jail” at “Jeffrey Epstein pedophile.”
Sa isa sa email noong Disyembre 2010, inilahad ni Seckel na “important victory” ang pagkontrol sa nilalaman ng Wikipedia dahil madalas itong lumalabas sa search results.
Magugunitang si Epstein ay inaresto noong 2019 sa kasong sex trafficking at pang-aabuso sa mga menor de edad sa US, at namatay habang nakakulong sa New York habang hinihintay ang paglilitis.











