--Ads--

Nadagdagan ng 81 bagong miyembro ang mga Persons with Disabilities (PWDs) sa Santiago City nitong buwan ng Enero, dahilan upang umabot na sa humigit-kumulang 5,500 ang kabuuang bilang ng mga rehistradong PWDs sa lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Officer-in-Charge Noradel Tad-O ng Persons with Disabilities Office ng Santiago City, sinabi niyang patuloy ang kanilang isinasagawang pagbisita at pag-iikot sa mga barangay upang mas paigtingin ang monitoring at mapalawak pa ang serbisyong naibibigay sa mga PWDs.

Aniya, katuwang ng kanilang tanggapan ang iba’t ibang pamahalaang barangay, kabilang ang 37 itinalagang PWD officers na tumutulong sa pagbabantay sa kalagayan ng mga benepisyaryo at sa maayos na pagpapatupad ng mga programa sa antas ng barangay.

Dagdag pa ni Tad-O, noong nakaraang taon ay mas pinaigting ng kanilang tanggapan ang programang paglalapit ng mga benepisyo sa komunidad, partikular ang pagpaparehistro at pagproseso ng PWD IDs, upang matiyak na mas maraming PWD ang makikinabang sa mga serbisyo ng pamahalaan.

--Ads--

Batay sa tala ng PWD Office ng Santiago City, pinakamarami sa mga rehistradong PWD ay nasa edad 18 hanggang 59 taong gulang, na may mahigit 3,000 mula sa kabuuang populasyon. Sinusundan ito ng mga PWD na nasa edad 0 hanggang 17 na may tinatayang 1,300, habang 1,100 naman ang elderly PWDs sa lungsod.