Kasalukuyan ngayong isinasagawa sa F.L. Dy Coliseum ang kasalang bayan kung saan mahigit 70 pares ang nakatakdang mag-isang dibdib ngayong araw, Pebrero 12.
Sa pakikipagpanayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sisah Arzadon, ibinahagi nito ang kwento ng kanilang pagmamahalan kasama ang kaniyang mapapangasawa na si Ginoong Armando Baysac.
Ayon kay Sisah, nagsimula ang kanilang samahan sa simpleng asaran sa trabaho bago tuluyang nauwi sa seryosong relasyon.
Aniya, noong una ay wala pa siyang interes kay Armando, ngunit dahil sa pagtitiyaga at kabaitan nito, unti-unting nahulog ang kanyang loob.
Sa kasalukuyan, siyam na taon na silang magkasintahan at mayroon na silang isang anak.
Nag-umpisa umano silang magsama noong nakaraang taon lamang.
Bukod sa mga magkasintahan, dumalo rin sa kasal ang kanilang pamilya, mga ninong at ninang, pati na ang ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan, bilang suporta sa espesyal na okasyon.
--Ads--











