Inaresto ng mga awtoridad ang 3 indibidwal matapos maaktuhang nagsusugal sa District 1, Cauayan City, Isabela.
Ang mga naaresto ay sina alyas “Dan,” 70-anyos; alyas “Aga,” 52-anyos; at alyas “Maria,” 38-anyos na pawag mga residente ng nasabing barangay.
Si alyas “Jojo” na kasamang naglalaro ng mga suspek ay pinaghahanap ng mga kapulisan matapos tumakas.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang operatiba hinggil sa ilegal na pagsusugal ng mga suspek sa loob ng isang bahay.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga Kapulisan upang beripikahin ang impormasyon at dito nila naaktuhan ang mga suspek na naglalaro ng sugal na ‘Pepito.’
Nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang tatlong piraso ng baraha at isang set na ginamit sa paglalaro, at bet money na nagkakahalaga ng humigit kumulang ₱685.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Pulisya ang tatlo sa mga ito at mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o Illegal Gambling Law.











