--Ads--

Mag-a-auction ang National Food Authority (NFA) ng 750,000 sako ng bigas na nakaimbak sa kanilang bodega sa Valenzuela City nang tatlong buwan o higit pa.

Ayon sa ulat, magkakaiba ang magiging presyo ng bigas depende sa kalidad at tagal ng pagkakaimbak nito.

Ang panimulang bid para sa bigas na nakaimbak nang 3–6 buwan ay P25.16 kada kilo.

Para naman sa 18 buwang nakaimbak, ang minimum bid ay P22.52 kada kilo.

--Ads--

Sinabi ni NFA Administrator Larry Lacson na may pagkakaiba sa kalidad ng bigas depende sa rehiyon kung saan ito itinanim. Halimbawa, mas maganda umano ang kalidad ng bigas mula sa Region III o Central Luzon dahil sa magagandang variety na itinatanim doon.

Magsisimula ang auction sa Biyernes, Pebrero 20. Layunin nitong mapaluwag ang mga bodega ng NFA bago ang peak harvest season sa Marso at makalikom ng karagdagang pondo. Tinatayang makakalikom ang ahensya ng mahigit P900 milyon mula sa auction.

Tiniyak din ng NFA na ligtas kainin ang mga lumang stock ng bigas. Kapag nabakante ang mga bodega, makakabili ang ahensya ng hanggang 1.5 milyong sako ng palay sa darating na anihan.

Bagama’t para lamang sa mga retailer, dealer, at wholesaler ang auction, maaari pa ring makinabang ang mga mamimili kung ibebenta ito ng mga trader sa mas mababang presyo.

Sa kasalukuyan, ang presyo ng well-milled rice sa merkado ay nasa pagitan ng P40 hanggang P54 kada kilo.