Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na tanging mga lehitimong magsasaka lamang ang makikinabang sa ₱30 kada kilo na buying price ng palay, upang maiwasan ang posibleng pang-aabuso ng mga trader.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang pagtaas ng presyo ng pagbili ng palay ay ibinase sa umiiral na presyo sa merkado ng mga trader upang matulungan ang mga magsasaka na apektado ng tumataas na gastos sa krudo at inaasahang pagtaas ng presyo ng mga input sa pagsasaka.
Dagdag pa ng opisyal, lahat ng buying station ay may tinatawag na “farmer’s desk” kung saan maaaring bantayan ng publiko ang proseso ng pagbili ng palay bilang bahagi ng citizen participation audit.
Ipo-post din sa mga bulletin board ang mga pangalan ng mga magsasakang nakapagbenta na ng kanilang ani upang masigurong transparent ang proseso, ayon kay Lacson.
Layunin din ng hakbang na mapalakas ang buffer stock ng bansa, dahil umabot lamang umano sa mas mababa sa 1% ang nabili ng NFA sa mga nakaraang buwan dahil sa mataas na presyo ng palay.
“Ang pagbili natin sa mas mataas, halimbawa ₱30, ito ay hindi direktang napupunta sa merkado; ito ay iniimbak bilang buffer stock na gagamitin sa oras ng emerhensiya at kalamidad,” pahayag ni Lacson.











