--Ads--

Pormal nang magiging bahagi ng pagdiriwang ng Gawagaway-yan Festival ng Lungsod ng Cauayan ang Racing at Drifting.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Mayor Ceasar “Jaycee” Dy, sinabi nito na bagama’t exhibition lamang ang isinagawa noong nakaraang taon, isasama na ngayon sa opisyal na mga aktibidad ng festival ang naturang motorsports events.

Layunin umano nito na maturuan ang publiko ng ligtas at responsableng pagmamaneho, at ipakita na ang racing ay hindi basta-basta isinasagawa kung saan-saan.

Nilinaw rin ng Alkalde na hindi porket maganda ang sasakyan ay maaari na itong gamitin sa alinmang lugar.

--Ads--

Aniya, ang racing at drifting sa Gawagaway-yan ay ikinukonsiderang isagawa sa bypass road sa Tagaran, Cauayan City.

Nagpaalala rin si Mayor Dy sa publiko na maging responsible sa pagbaybay sa mga kakalsadahan lalo na ngayon na marami ang naitatalang aksidente sa lansangan.