Inanunsyo ng media regulator ng Gabon ang suspensyon ng mga social media platform “until further notice,” dahil umano sa pagkalat ng maling impormasyon, cyberbullying, at hindi awtorisadong pagbabahagi ng personal na datos.
Ayon sa internet monitoring group na NetBlocks, naapektuhan ang ilang pangunahing platform tulad ng Facebook, Instagram, TikTok, YouTube at WhatsApp.
Pinamumunuan ang bansa ni Brice Oligui Nguema, na nanalo sa halalan noong nakaraang taon matapos manguna sa kudeta noong 2023. Nahaharap ngayon ang kanyang administrasyon sa lumalalang mga kilos protesta ng mga guro at kawani ng gobyerno dahil sa isyu ng sahod at kondisyon sa trabaho.
Ikinagulat ng marami ang hakbang, lalo na sa mga negosyanteng umaasa sa social media para sa promosyon. Gayunman, iginiit ng pamahalaan na nananatiling isang pangunahing karapatan ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa.











