Isinusulong ni Senator Robin Padilla ang panukalang batas na magtatakda sa 16 anyos bilang minimum age para makagawa at makapagpanatili ng social media account, dahil sa lumalaking panganib ng cyberbullying, online sexual exploitation at iba pang banta sa mga bata.
Sa kaniyang sponsorship speech, inilahad ni Padilla ang Senate Bill No. 2424 o proposed Child Online Safety and Protection Act, na layong i-regulate ang access ng mga menor de edad sa social media at obligahin ang mga platform na magkaroon ng age assurance system.
Maaaring kabilang dito ang self-declaration, age estimation, paggamit ng official documents o third-party verification, pati pagsusuri sa online behavior ng user.
Nilinaw naman ni Padilla na hindi saklaw ng panukala ang mga educational platform na sertipikado ng DepEd, CHED at TESDA, gayundin ang email at private messaging applications.
Ayon kay Padilla, nakakuha na ang panukala ng lagda ng hindi bababa sa 18 senador. Aminado rin siyang hindi nagkakaisa ang mga eksperto sa 16-anyos na age threshold, ngunit iginiit niyang bukas siya sa mga pagbabago habang dinidinig ang panukala sa plenaryo.











