Ipinaliwanag ng isang eksperto ang mga dapat gawin upang maturuuan ang mga bata sa tamang paggamit ng social media kasunod ng mga ulat na nag-uugnay dito sa mga karasahang naitatala sa ilang paaralan sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Dominic Agoot, Registered Psychologist, sinabi niya na maraming magandang naidudulot ang social media subalit nagkakaroon lamang ng problema rito pagdating sa regulation.
Aniya, nagsisimula ang regulation sa murang edad. Kapag ang bata ay 18 months old pa lamang, hindi pa dapat nae-expose ang mga ito sa anumang uri ng social media.
Pagdating ng edad 2-5 years old, dapat nang iregulate ang social media usage ng isa hanggang dalawang oras kada araw ng may guidance ng guardian. Dapat ding educational ang kanilang pinapanood.
Binigyang-diin ni Agoot na kailangang tutukan at bigyan ng tamang gabay ng mga magulang ang mga anak upang maiwasang ma-expose sila sa mga violent content online.
Natural lang aniya para sa mga bata na maglaro ng mobile games pero mahalagang malaman kung sino ang kanilang mga kalaro at ano ang napag-uusapan ng mga ito upang maiwasang sila ay magkaroon ng interest sa mga violent extremist group.
Hinikayat din nito ang mga magulang na gawing physically active ang mga bata gaya ng paglalaro sa labas kasama ang ibang mga bata, at paghasa sa kanilang mga skills upang mayroon silang ibang pwedeng gawin maliban sa paglalaro gamit ang gadgets.
Batay aniya sa isang pag-aaral, tumataas ang tiyansang magkaroon ng personality disorders, depression, loneliness, at anxiety kapag nagkakaroon ng extensive social media o gadget engagement. Ang isip kasi umano ng isang tao ay may kakayahang magbago depende sa karanasan na tinatawag na neuroplasticity.
Gayunman, iginiit ni Agoot na bagama’t iniuugnay ang social media sa mga nangyaring karahasan sa mga paaralan sa bansa, iginiit nito na hindi lamang basta ibaling dito ang lahat ng sisi dahil marami ang responsable rito. Kabilang na rito ang mga magulang, security sa loob ng paaralan, at buong lipunan.
Binigyang-diin nito na dapat nang i-enhance ang mental health law sa Pilipinas upang mas makapagpalaganap ng mental health awareness sa mas maraming lugar sa bansa, hindi lamang sa mga paaralan.
Kung sakali man aniya na magkaroon ng active shooters drill sa mga paaralan, nararapat lamang na magkaroon ng briefing at debriefing upang hindi magulat at matrigger ang mga bata.











