Nagsagawa ng Committee Hearing ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City patungkol sa mga reklamo at isyu na natatanggap ng Bise Mayor hinggil sa serbisyo ng Cauayan District Hospital (CDH) ngayong araw, Pebrero 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar “ Miko” Delmendo ng Cauayan City,sinabi niyang pinatawag ng pamahalaan ang Chief ng CDH, pati na rin ang iba pang mga doktor at empleyado ng ospital, upang agad na matugunan ang mga isyu.
Aniya, paulit-ulit na reklamo ang natatanggap nila tungkol sa masusungit na empleyado ng ospital. May mga ulat din na kadalasang walang doktor on duty, at kung may tinatakbong pasyente, madalas na inirerefer pa ang mga ito sa mas malalayong ospital.
Aminado naman ang CDH na may kakulangan sa manpower, lalo na sa mga doktor. Kasalukuyang may 13 lamang na doktor ang ospital, at bawat isa ay may 160 oras na duty kada buwan.
Tungkol sa reklamo sa pagiging masungit ng ilang doktor, sinabi ni SP Delmendo na nauunawaan nila ang stressful at nakakapagod na trabaho ng mga doktor, ngunit ito ang kanilang tungkulin sa publiko. Aniya, kailangan ang pasensya at maayos na pakikitungo upang mabigyan ng tamang pangangalaga at assistance ang mga pasyente.
Bilang solusyon, magkakaroon ng pagpupulong ang ospital kasama ang kanilang staff upang ipaintindi ang obligasyon ng bawat health worker, at siguraduhin na maayos ang serbisyo sa kabila ng dami ng pasyente.
Dagdag pa ni SP Member Delmendo, magrerequest ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City sa Provincial Government para dagdagan ang manpower sa CDH, upang mas ma-accommodate ang lahat ng pasyente.
Hinihikayat din ng SP Member ang publiko na iparating ang anumang reklamo o isyu tungkol sa serbisyo ng CDH, at tiniyak na bukas ang lokal na pamahalaan upang maresolba ang mga ito sa madaling panahon.











