Naobserbahan ang pagtaas ng bilang ng mga petitioners sa tanggapan ng Civil Registrar Office sa bayan ng Echague nitong mga nakalipas na taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Jocelyn Babaran, Civil Registrar Officer ng Echague, kapansin-pansin ang pagdami ng mga nagpapapetisyon kung ikukumpara sa mga nakaraang taon. Kung dati umano ay nasa mahigit-kumulang 200 lamang kada taon ang kanilang naitatala, umabot ito sa 405 petitioners noong taong 2025.
Sa unang dalawang buwan pa lamang ng taong 2026, naitala na ang nasa 70 petitioners, at inaasahan pang madaragdagan ang bilang na ito bago matapos ang taon.
Kadalasang dahilan umano ay ang kanilang paghahanda sa pag-aabroad, kung saan kinakailangang maitama o maayos ang ilang detalye sa kanilang mga dokumento gaya ng pangalan, apelyido, petsa ng kapanganakan, at iba pang mahahalagang impormasyon sa civil registry records.
Ipinaliwanag ni Babaran na may mga kailangang isumite na requirements ang mga petitioners depende sa uri ng petisyon. Kabilang dito ang accomplished petition form, valid IDs, PSA-issued birth certificate o kaugnay na civil registry document, at mga supporting documents na magpapatunay sa hinihiling na pagbabago o koreksiyon. Kailangan ding bayaran ang kaukulang filing fee bago maproseso ang petisyon.
Patuloy naman ang paalala ng Civil Registrar Office sa publiko na tiyaking maayos at tama ang kanilang mga dokumento, lalo na kung may planong magtrabaho sa ibang bansa, upang maiwasan ang abala sa pagproseso ng mga papeles.











