Inihayag ng pamahalaan ng Cuba na napatay ng kanilang mga puwersa ang apat na katao na umano’y nagtangkang “pumasok” o mag-infiltrate sa kanilang teritoryo sakay ng isang speedboat na rehistrado sa Florida, sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Cuba at Estados Unidos.
Ayon sa pahayag ng Cuban Interior Ministry, nilapitan ng mga border guard ang naturang bangka upang kilalanin matapos makapasok sa karagatan ng Cuba sa bahagi ng Falcones Cay sa Villa Clara Province, mahigit 100 miles ang layo mula sa Florida.
Habang isinasagawa ang paglapit, nagpaputok umano ang isa sa mga sakay ng speedboat at nasugatan ang commander ng barko ng Cuba. Dahil dito, gumanti ng putok ang mga puwersa ng Cuba na nagresulta sa pagkamatay ng apat na sakay ng bangka. Anim pang iba ang nasugatan at kasalukuyang ginagamot.
Nilinaw ng Interior Ministry na ang mga sakay ng bangka ay mga Cuban resident sa Estados Unidos at armado umano ang mga ito. Nakumpiska mula sa speedboat ang mga assault rifle, handgun, at Molotov cocktail.
Batay sa paunang pahayag ng anim na nakaligtas na kasalukuyang nasa kustodiya, layunin umano ng grupo na magsagawa ng infiltration. Dalawa sa mga nakaligtas ay dati nang hinahanap ng pamahalaan ng Cuba kaugnay ng kasong terorismo.
May isa pang indibidwal na ipinadala mula sa Estados Unidos upang tumulong sa pagtanggap sa armadong grupo ang naaresto at umamin sa umano’y partisipasyon nito.
Wala pa namang opisyal na pahayag ang White House kaugnay sa insidente.











