--Ads--

Nasawi ang isang lalaki matapos malunod sa bahagi ng ilog na sakop ng bayan ng Reina Mercedes, Isabela habang na nangingisda gamit ang kuryente ngayong araw, Marso 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoo Bong Allam, isa sa mga nakasaksi, sinabi niyang bandang alas-10 ng umaga ay nakita pa nila ang lalaki  sa nasabing ilog.

Ayon sa kanya, makalipas ang 30 minuto ay nakarinig sila ng sigawan mula sa kabilang bahagi ng ilog hinggil sa isang taong umano’y nalulunod. Agad namang sinubukan ng ilang residenteng naroroon na sagipin ang lalaki, gayunman, dahil sa lalim ng tubig ay nag-atubili ang ilan at natakot na lumusong.

Dagdag pa ni Allam, karamihan sa mga naroroon sa lugar ay mga dayuhan kaya hindi nila alam ang mga numero ng mga rescuer at hindi ito agad naitawag sa mga awtoridad.

--Ads--

Lumipas pa umano ang halos isang oras bago tuluyang naiahon ang katawan ng biktima mula sa ilalim ng tubig. Ayon pa sa saksi, hindi ito ang unang insidente ng pagkalunod sa lugar. Aniya, taon-taon ay may naitatalang kaso ng pagkalunod doon dahil ginagamit ang bahagi ng ilog sa quarry operations, kaya mas lumalalim ang tubig at nagiging delikado para sa mga naliligo at nangingisda.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima.