Opisyal nang muling binuksan ang Cabagan–Sta. Maria Bridge kasabay ng anunsyo na ito ay sasailalim muna sa dalawang linggong testing period, ngayong araw, Marso 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina DPWH Sec. Vince Dizon at Provincial Governor Rodito Albano III, sinabi nilang layunin ng testing na masuri ang tibay at kondisyon ng pansamantalang tulay na itinayo bago tuluyang payagang dumaan ang mas maraming sasakyan. Mahalaga umano ang hakbang na ito upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa loob ng dalawang linggo, one-way scheme muna ang ipatutupad sa tulay upang mabawasan ang bigat at dami ng sasakyang dadaan habang patuloy ang monitoring ng mga kinauukulan.
Nagtayo rin ng vertical clearance na may taas na 2.4 meters sa magkabilang dulo ng tulay upang masiguro na mga light vehicles lamang ang papayagang makatawid.
Pansamantalang hindi muna pahihintulutan ang pagdaan ng malalaking truck at iba pang heavy vehicles.
Samantala, nagbigay naman ng mensahe si Vice Governor Kiko Dy sa mga residente at tiniyak na kapakanan at kaligtasan ng mamamayan ang pangunahing prayoridad ng pamahalaang panlalawigan.
Ayon naman kay Ginoong Meynardo Telan, isang residente, ikinatuwa ng maraming mamamayan lalo na sa bayan ng Sta. Maria ang muling pagbubukas ng tulay. Aniya, malaking ginhawa ito sa kanila dahil hindi na sila mahihirapang bumiyahe patungong Cabagan, partikular ang mga estudyante na araw-araw tumatawid para pumasok sa paaralan.







