Pormal nang inilunsad ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month 2026 na may lungsod ng Santiago sa pangunguna ng Bureau of Fire Protection (BFP), sa temang “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa.”
Pinangunahan ni FCINSP Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng BFP Santiago, ang kick-off ceremony na dinaluhan ng mga kawani ng pamahalaang lungsod, iba’t ibang ahensya, at mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Guillano, layunin ng selebrasyon na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa kahalagahan ng pag-iwas sa sunog, lalo na ngayong buwan ng Marso kung kailan mas mataas ang insidente ng sunog dahil sa mainit na panahon.
Binigyang-diin nito na mahalaga ang kooperasyon ng bawat isa sa komunidad upang maiwasan ang sakuna. Bahagi ng aktibidad ang “Fire Zumba Craze,” isang health and wellness activity na nilahukan ng mga kalahok bilang simbolo ng pagkakaisa at suporta sa adbokasiya ng BFP.
Layunin din nitong hikayatin ang mas maraming mamamayan na makibahagi sa mga programa ng ahensya kaugnay sa fire safety. Nakatakda ring magsagawa ang BFP ng iba’t ibang information drives, fire drills, at inspeksyon sa mga establisyemento sa buong lungsod bilang bahagi ng isang buwang kampanya kontra sunog.
Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na maging mapagmatyag at tiyaking ligtas ang kanilang mga tahanan at establisyemento laban sa posibleng sunog.










