--Ads--

Ipinaliwanag ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang layunin ng mga fire trike sa San Antonio, Nueva Ecija na naging paksa ng pambabatikos sa social media dahil sa laki at kapasidad ng mga ito.

Ayon kay BFP Officer-in-Charge FCSUPT Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, idinisenyo ang mga fire trike upang mabilis na makapasok sa makikitid na eskinita at iba pang lugar na mahirap marating ng malalaking fire truck.

Binigyang-diin niya na hindi dapat ibatay sa laki lamang ang kakayahan ng mga sasakyan. Sa panahon ng sunog, mahalagang mabilis na maihatid ang tubig upang mapalamig ang nasusunog na lugar at makatulong na mapigilan ang pagkalat ng apoy.

Samantala, nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mga fire trike na nag-viral online ay binili ng lokal na pamahalaan ng San Antonio, at hindi ng DILG.

--Ads--

Ang kumakalat na halagang ₱10 milyon kada sasakyan ay may kaugnayan sa hiwalay na planong pagbili ng DILG ng mga fire truck mula sa South Korea, at hindi sa mga fire trike ng San Antonio.