Pormal nang inilunsad ng Bureau of Fire Protection – Cauayan City ang kanilang mga aktibidad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso, kahapon, Marso 2.
Kasabay nito, nagsagawa ng mobile parade ang hanay ng mga bumbero katuwang ang Public Order and Safety Division at ang Cauayan City Water District. Umikot ang convoy sa buong Poblacion area at ilang bahagi ng west Tanap region upang palaganapin ang kamalayan ng publiko hinggil sa pag-iwas sa sunog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP. Roger Esteban, bagong talagang Fire Marshal ng BFP Cauayan City, sinabi niyang bahagi ito ng kanilang nakalatag na programa para sa buong buwan ng Marso.
Aniya, nakatakda ring bumisita ang ilang paaralan sa tanggapan ng BFP Cauayan City sa mga susunod na araw upang makita at masuri ang mga kagamitang ginagamit ng mga bumbero, lalo na sa aktuwal na operasyon sa sunog.
Dagdag pa ni FCINSP. Esteban, inaasahan din ang pagsasagawa ng mga symposium para sa mga mamamayan bilang bahagi ng information campaign upang higit na mapalakas ang kaalaman sa fire prevention at maiwasan ang insidente ng sunog.










