Natunton at naaresto ng mga kapulisan ang isang wanted sa Region 1 kahapon, Marso 2, 2026, sa Barangay San Antonio, Diffun, Quirino.
Ang suspek ay itinago sa alyas “Roberto,” residente ng Camanang Roadside, Urdaneta City, Pangasinan. Nahaharap siya sa kasong robbery na may inirekomendang piyansang ₱72,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Ang akusado umano ang pinuno ng “Gines Drug Group,” kabilang sa Regional Target List ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 at sa Regional Priority Target ng Police Regional Office 1. Nasa listahan din siya ng National COPLAN “SCARFACE” noong 2024 ng NIP Rainbow at miyembro ng isang criminal gang na matagal nang minamanmanan ng mga awtoridad sa ilalim ng Directorate for Intelligence.
Pinangunahan ng Diffun Police Station ang operasyon, katuwang ang QPIU, RIU2, 1st QPMFC, Urdaneta City Police Station, PIU Pangasinan PPO, at PDEU-Pangasinan PPO.
Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Oktubre 6, 2023, ng Regional Trial Court, Branch 56, San Carlos City, Pangasinan.
Kasulukuyan na itong nasa kustodiya ng Diffun MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











